top of page

Dugo sa Bukang-Liwayway: Salamin ng Kasalukuyan


Sikat, R. (1989). Dugo sa bukang-liwayway [Book cover]. Retrieved from https://press.up.edu.ph/wp-content/uploads/2017/06/978971542112-6.jpg

“‘Sino si Simon?’ at kanilang itutugon, ‘Si Simon, anak, ay isang magbubukid-- isang di nakalimot na magbubukid.”


Umiikot ang Dugo sa Bukang-Liwayway, ang nobela ni Rogelio Sikat, kay Simon. Siya ang anak ng magsasakang si Tano, na bagama’t pinanganak sa kahirapan ng buhay, ay natutong at nagsikap iahon, ‘di lamang ang kanyang sarili, kundi maging ang kanyang mga kapwa magsasaka mula sa pagkakaalipin sa kanila ng mga panginoong maylupa. Ginanap ang kwento sa bayan ng San Roque, sa panahon ng pananakop ng Amerika at Hapon, at ilang taon pagkaraan ng liberasyon.


Ang libro ay may tatlong bahagi. Nagsimula ito sa pagsilang kay Simon. Dito rin nagkaroon ng sulyap si Simon sa kalagayan ng mga mahihirap nang kanyang makitang “makiling ang kanilang guro kay Alejandro Borja, na gayong hindi naman marunong ay kung bakit nasa talaan ng matatalino at laging nasasali sa mga palatuntunan.” (Sikat, 1989, p. 33)


Naglakbay sila pabalik sa nayon nang maraming baong karanasan at kaalaman, kaya ang bahaging ito ay pinamagatang Isang Peregrinasyon:

Mula sa malayo, sa silangan, inuukit ng mapulang silahis ng payaong araw ang maiitim nilang anino. Paumad-umad ang lakad ng kanilang mga kalabaw; lahat sila, si Tano, si Simon, ang mga hayop, ay tila napapagal na umuuwi mula sa mandi’y ginawang peregrinasyon. (Sikat, 1989, p. 33)


Napatunayan ni Simon na talagang kaawa-awa ang mga mahihirap na magsasaka sa kamay ng mga tusong mayayaman. Ang kanyang mga sariling karanasan ang nagtulak sa kanyang lisanin ang sariling bayan. Pinangako niya sa sarili niyang hindi siya babalik hangga’t hindi siya makapaghihiganti. Ginamit niya ang pagkakataon na ito upang paunlarin ang kanyang sarili.


“Marami ang bumabalik, ngunit di bumabalik si Simon,” kaya naman pinamagatang Pagtakas ang ikalawang bahagi ng akda.


16 taon ang nakalipas bago bumalik si Simon, kaya ang huling bahagi ay may pamagat na Pagbabalik: 1957. Sa tinagal-tagal ng panahon, mahirap pa rin ang buhay sa San Roque — patuloy pa rin ang pambubusabos ng mga tusong mayayaman sa mga magsasakang tunay na nag-aambag para sa ikasasagana ng bayan. Marami naman ang nagbago kay Simon sa kanyang pagbabalik — maunlad na siya sapagkat nakapagtrabaho, ngunit ‘di niya nalimutang “lumingon sa kanyang pinanggalingan.” Nalaman niya kay Ador, ang kababata at “marunong” (Sikat, 1989, p. 33) na kaeskwela niya noon, ang karumal-dumal na sinapit ng kanyang “kapatid sa suso” at matalik na kaibigang si Duardo. Ang pangyayaring ito at ang kanyang mga sariling karanasan ang kanyang nagpasiklab sa kanyang balak na “maghiganti” sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa San Roque.


“Sa bayang ito, Manuel, ay alipin ang magsasaka.” (Sikat, 1989, p. 33)


Sa tulong ni Manuel na nakapag-aral ng agrikultura at ni Ador, nagtayo siya ng paaralan sa pagsasaka. Naungusan din ng kanyang lagarian ang kina Borja. Nagtulong-tulong naman sila nina Santiago at kapwa nito magsasakang hikayatin si Ador na tumakbong muli bilang pangulo ng bayan. Tumanggi si Ador noong umpisa ngunit pumayag din, basta’t hindi sila gugugol ng pera sa halalan, hindi tulad ni Alejandro “Andro” Borja, ang anak ni Paterno Borja.


Nang magpakilala si Ador sa liwasan, binaril ni Andro si Simon. Naghinagpis ang mga magsasaka at pinagpasyahan nilang maghintay hanggang magbukang-liwayway.


Binibigyan ko ng 4 na bituin ang akdang Dugo sa Bukang-Liwayway. Nagustuhan ko ito dahil sa mga sumusunod na dahilan:

1. Nag-improve ang aking bokabularyo.

Habang binabasa ang libro, ako’y may hawak na diksyunaryo, upang konsultahin ito sa tuwing may makatatagpo akong salitang hindi ko alam ang kahulugan. Nilista ko rin ang mga bagong salitang natutunan ko.

sangka - mababang bahagi ng bukid na pinamamahayan ng tubig

inot - inot - onti - onti

mabuway - mahina

asarol - pantabas sa bato

tulyapis - palay na walang laman


2. Nagkaroon ako ng siglaw tungkol sa panahon ng pananakop.

Nakikita rito ang impluwensiya ng mga Espanyol sa mga estruktura ng mga bahay at plasa. Ang ilan din sa mga tauhan ay mga Kastila.

Ginanap din ang kwento ay noong panahon ng mga Amerikano at nang sakupin ng Hapon ang bansa. Mababasa rito ang ugnayan ng mga gerilya o Huk:

Mga kasama, dumating na ang ating pagkakataon. Tayo’y magsama-sama at ibagsak natin nag mga Hapones; tayo’y magbuklud-buklod at ilugso natin ang pamahalaan upang tayo’y makapagpanibagong-simula. (Sikat, 1989, p. 33)


3. Buhay ang bayanihan o pakikiisa ng mga magsasaka.

Ito ay kitang kita sa huling bahagi ng nobela, nang magpakilala si Ador sa plasa at nang pinaslang ni Andro si Simon:

Si Simon ay kanilang iniuwi sa kanyang bahay sa tabing-bukid. Pinuno nila ang malaking bahay at ang malawak na bakuran. Humanay sila, nagtipon, sa pambansang lansangan, Ang kanilang mga sulo’y muli nilang sinindihan. Hindi sila aalis dito sa buong magdamag; kanilang hihintayin ang pagbubukang-liwayway. (Sikat, 1989, p. 33)


4. Pinukaw ako ng pagpupursigi/ pagsisikap ni Simon.

Kahit na marami siyang masasamang karansan, tulad ng pagkamatay ng kanyang ina pagkapanganak sa kanya, pagkamatay ng kanyang ama nang may masama ang loob dahil binawi ni Isauro Regente ang kanilang lupa, at pagkamatay ng kanyang kaibigang si Duardo, na lahat ay dahil sa mga gahamang mayayaman, hindi siya sumuko at pinili niya ang mapayapang paraan upang maghiganti; ito ay sa pamamagitan ng pagtayo ng paaralan sa pagsasaka at paghikayat kay Ador upang tumakbo bilang pangulo ng bayan.


5. Naisip kong dapat kasing-dalisay ng mga intensyon ni Ador ang mga intensyon ng mga opisyal ng gobyerno.

Nais ni Ador na mapalapit sa mga magsasaka at imulat sila sa kawalang-malay, nang hindi gumagamit ng pera, hindi tulad ni Andro. Ito ay nagpapakita na talagang malinis ang kanyang mga intensyon at malugod siyang pumapayag na maglingkod sa taumbayan:

Hindi tayo gugugol sa halalang ito, ang ibig kong sabihi’y di nating gagawin ang ginagawa nina Borja. Imulat natin sila, at pagkaraan, tayo’y pahatol. Kung tayo’y magagapi ay masasabi nating sila’y sadya pang ibig pumikit, na di pa panahon upang sila’y dumilat; kung tayo’y magwawagi ay magpapasalamat tayo, sila’y di na natutulog! (Sikat, 1989, p. 33)


4 na bituin lamang ang aking binigay na marka dahil hindi masyadong nakita ang pananaw ng mga mayayaman — sina Paterno at Andro Borja, at Isauro Regente. Ito ay nakasentro sa mga iniisip at karanasan ng mga magsasaka, na inapi ng mga mayayaman sa buong akda.


Ang pinakanakapukaw na bahagi ng akda para sa akin ay ang panahong gumapas sila Simon at Tano kahit na bumabagyo dahil ayon kay Tano, wala raw silang maaani pagkatapos ng bagyo. Naramdaman ko rito ang paghihirap ng mga magsasaka na makikita pa rin hanggang ngayon. Sana ay mas pahalagahan pa natin at ng mga maykapangyarihan ang mga magsasaka sapagkat hindi basta-basta ang kanilang trabaho at sila ang dahilan kung bakit may nakalatag sa ating hapag-kainan araw-araw.


FEATURED POSTS

CATEGORIES

ARCHIVE

bottom of page